Dagdag na singil sa buwis kinontra, sinuportahan sa Senado
MANILA – Hati ang pananaw ng dalawang senador sa mungkahi ng
pamahalaan na magpataw ng karagdagang buwis sa ilang negosyo partikular
sa alak at sigarilyo na itinuturong dahilan ng pagdami ng mga Filipino
na nagkakasakit ng kanser.
Iginiit ni Sen Francis Escudero na hindi napapanahon ang pagpapataw ng
dagdag na buwis dahil na rin nararamdamang epekto ng pandaigdigang
krisis sa pananalapi at pagbabawas ng trabahador sa mga pabrika.
“Now is not the right time to raise taxes while business is not doing
well and many people have lost their jobs," paliwanag nito.
Sa halip na magpataw ng panibagong buwis, sinabi ni Escudero na
makabubuting paigtingin na lamang ng pamahalaan ang kampanya laban sa
korupsiyon at paghahabol sa mga hindi nagbabayad ng buwis.
“Until this government is able to stamp out or even minimize corruption
and collect taxes efficiently, it should not burden the people and
businesses with new taxes," aniya.
Ngunit si Senate Minority leader Sen Aquilino Pimentel Jr ang
tatanungin, dapat dagdagan ang kinokolektang buwis sa alak at sigarilyo
dahil na rin sa masamang epekto nito sa kalusugan ng mga parukyano ng
produkto.
Nais din niyang lagyan ng nakatatakot na larawan ang mga pakete ng
sigarilyo sa posibleng sakit na makukuha sa pagtangkilik sa produkto
tulad ng kanser.
“I support higher taxes for alcohol and tobacco. I also support putting
picture warnings on ill effects of smoking on packages of cigarettes,"
pagdiin ni Pimentel.
Idinagdag niya na susuportahan niya ang programa ng pamahalaan sa
dagdag na buwis kung maipapaliwanag lamang ng Palasyo ang pagbibigay ng
fiscal incentives o tax exemptions.
Suportado rin ni Pimentel ang panukalang magkaroon ng pangkaraniwang
buwis na kinokolekta sa mga propesyunal at self-employed upang
mabawasan ang budget deficits.
“Yes to the simplified net income taxation system for professionals and
self-employed – to generate additional revenues and narrow down the
budget deficit," idinagdag ng senador. -